Nagpapatunay rito: A. Ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Tinagubilinan ako ng matalik na kaibigan ko – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – nang tatlo: pag-aayuno ng tatlong sa bawat buwan, dalawang rak`ah ng ṣalāh sa ḍuḥā, na magdasal ako ng witr bago ako matulog.” Itinagubilin din ang mga ito ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – kay Abu Ad-Dardā’ – malugod si Allāh sa kanya. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 722. Itinagubilin din ang mga ito ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – kay Abu Dharr – malugod si Allāh sa kanya. Isinaysay ito ni Imām An-Nasā’iy sa as-Sunan al-Kubrā na may numerong 7212. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy, Aṣ-Ṣaḥīḥah 2166. B. Ang ḥadīth ayon kay Abū Dharr – malugod si Allāh sa kanya – ayon sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan na siya ay nagsabi: “Sa umaga, tungkulin ng bawat kasukasuan ng isa sa inyo [na magbigay ng] kawanggawa. Kaya sa bawat tasbīḥah ay may kawanggawa, bawat taḥmīdah ay may kawanggawa, bawat tahlīlah ay may kawanggawa, bawat takbīrah may kawanggawa, [bawat] pag-uutos ng nakabubuti ay may kawanggawa, [bawat] pagsaway sa nakasasama ay may kawanggawa. Naitutumbas doon ang dalawang rak`ah na dinadasal bago tumanghali.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 720. Ang kasukasuan ay ang pinagdudugtungan ng dalawang buto. Nasaad sa Ṣaḥīḥ Muslim mula sa ḥadīth ayon kay `Ā’ishah – malugod si Allāh sa kanya – ang isang paglilinaw na ang bawat tao ay nilikha na may tatlong daan at animnapung pinaghiwalayan ng mga buto at na ang sinumang makagawa ng bilang na ito ng mga kawanggawa, tunay na siya ay maglalakad sa araw na iyon samantalang naalis na niya ang sarili niya sa apoy ng Impiyerno.
Ang oras nito: Nagsisimula ang oras ng ṣalāh sa ḍuḥā mula sa pagkaangat ng araw nang gadangkal. Ibig sabihin: Matapos ang oras ng pagbabawal magdasal pagkasikat ng araw. Nagtatapos ito sa tanghaling tapat. Ibig sabihin bago sumapit ang oras ng dhuhr nang mga sampung minuto. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay `Abasah – malugod si Allāh sa kanya: “Dasalin mo ang dasal sa madaling-araw. Pagkatapos ay tumigil ka sa pagdarasal kapag sumisikat ang araw hanggang sa tumaas ito….Pagkatapos ay magdasal ka sapagkat tunay na ang dasal ay sinasaksihan at dinadaluhan hanggang sa pumantay ang anino sa sibat. Pagkatapos ay tumigil ka sa pagdarasal sapagkat tunay na sa sandaling iyon pinaiinit ang Impiyerno.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 832.
Ang pinakamainam na oras nito ay sa huling bahagi ng oras nito at iyon ay kapag naiinitan na ang mga inawat na kamelyo. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Zayb bin Arqam – malugod si Allāh sa kanya – ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Ang dasal ng mga nagbabalik-loob ay kapag naiinitan na ang mga inawat na kamelyo.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 748. Nagsabi si Ibnu Bāz – kaawaan siya ni Allāh: “Ang kahulugan ng naiinitan ay tumitindi ang init ng araw…ito ay kabilang sa mga dasal na ang pagsasagawa nito sa huling bahagi ng oras ay higit na mainam.” Tingnan: Fatāwā Islāmīyah 1/515.
Ang pinakakaunting bilang ng rak`ah ng ṣalāh sa ḍuḥā ay dalawang rak`ah batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah - malugod si Allāh sa kanya – na nasaad sa Ṣaḥīḥayn: “Tinagubilinan ako ng matalik na kaibigan ko ng tatlo…dalawang rak`ah sa [ṣalāh sa] ḍūḥā.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 1981. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 721. Tungkol naman sa pinakamaraming bilang ng rak`ah ng ṣalāh sa ḍuḥā, ang tumpak: tunay na ito ay walang takda sa pinakamaraming rak`ah nito, na salungat sa sinumang nagtatakda rito sa walong rak`ah. Kaya naman maaari niyang dagdagan ang walong rak`ah hanggang sa kung ilan ang nanaisin ni Allāh – pagkataas-taas Niya – sa kanya batay sa ḥadīth ayon kay `Ā’ishah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagdarasal sa ḍuḥā ng apat na rak`ah at dinadagdagan niya ng niloloob ni Allāh.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 719.