Ang sunnah ay nangangahulugang ang kaibig-ibig at ang kanais-nais. Ang Sunnah ay ang ipinag-utos ng Tagapagbatas hindi sa paraang nag-oobliga, at at bunga nito ay ginagantimpalaan ang nagsasagawa nito at hindi naman pinarurusahan ang nagsasaisang-tabi nito.
Isinaysay ni Muslim sa Ṣaḥīḥ niya ang ḥadīth ayon kay An-Nu`mān bin Sālim ayon kay `Amr bin Aws – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – na nagsabi: Isinalaysay sa akin ni `Anbasah bin Abī Sufyān, na nagsabi: Narinig ko si Umm Ḥabībah na nagsasabi: Narinig ko ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsasabi: “Ang sinumang nagdasal ng labindalawang rak`ah sa araw at gabi, magpapatayo para sa kanya dahil sa mga ito ng isang bahay sa Paraiso.” Isinaysay ito ni Muslim, na may numerong 1727. Nagsabi si Umm Ḥabībah: “Kaya hindi ko na iniwan ang mga ito magmula nang narinig ko ang mga ito mula sa Sugo ni Allāh - pagpalain siya ni Allah at pangalagaan.” Nagsabi naman si `Anbasah: “Kaya hindi ko na iniwan ang mga ito magmula nang narinig ko ang mga ito mula kay Umm Ḥabībah.” Nagsabi si `Amr bin Aws: “Hindi ko na iniwan ang mga ito magmula nang narinig ko ang mga ito mula kay `Anbasah.” Nagsabi si An-Nu`mān bin Sālim: “Hindi ko na iniwan ang mga ito magmula nang narinig ko ang mga ito mula kay `Amr bin Aws.” Ang ḥadīth ayon kay `Alīy, malugod si Allāh sa kanya: Na si Fāṭimah ay dumaing sa natatagpuan niyang kalyo sa kamay niya. May pumunta sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na isang bihag kaya pumunta siya ngunit hindi niya natagpuan ito. Ibinalita ni `Ā’ishah sa Propeta ang pagdating ni Fāṭimah sa kanya. Kaya dumating ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – sa amin noong kinuha na namin ang mga higaan namin kaya kami ay nakatayo. Nagsabi ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Sa upuan ninyo.” Naupo siya sa pagitan namin hanggang sa naramdaman ko ang lamig ng paa niya sa dibdib ko. Pagkatapos ay nagsabi siya: “Hindi ba ako magtuturo sa inyo ng higit na maganda kay sa hiniling ninyo? Kapag inihanda ninyo ang mga higaan ninyo ay magsabi kayo ng Allāhu akbar nang tatlumpu’t apat na ulit, magsabi kayo ng subḥāna -llāh nang tatlumpu’t tatlong ulit, at magsabi kaya ng alḥamdu lillāh nang tatlumpu’t tatlong ulit sapagkat ito ay higit na mabuti para sa inyo kaysa sa isang utusan.” Isinaysay ni Al-Bukhārīy na may numerong 3705. Isinaysay ito ni Muslim na may numerong 2727. Sa isang sanaysay, nagsabi si `Alīy, malugod si Allāh sa kanya: “Hindi ko na iniwan iyon magmula nang narinig ko iyon mula sa Propeta - pagpalain siya ni Allah at pangalagaan.” Sinabi sa kanya: “Ni sa gabi ng Ṣiffīn?” Nagsabi siya: “Ni sa gabi ng Ṣiffīn.” Isinaysay ito ni Al-Bukhārīy na may numerong 5362 at isinalaysay rin ito ni Muslim na may numerong 2727. Alam natin na ang Gabi ng Ṣiffīn ay gabi na may naganap doon na labanan. Si `Alīy – malugod si Allāh sa kanya – ay pinuno roon at sa kabila niyon ay hindi niya nakaligtaan ang sunnah na ito. Si Ibnu `Umar – malugod si Allāh sa kanya – ay nagdarasal para sa patay. Pagkatapos ay umalis siya at hindi nakikilibing sa pag-aakalang ito ay kalubusan ng sunnah. Hindi niya nalaman ang kabutihang nasaad sa pakikilibing hanggang sa mailibing ang patay. Kaya noon nakarating sa kanya ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – nagsisi siya sa pagkaiwan ng sunnah. Pagnilay-nilayan mo ang sinabi niya! Ipinukol ni Ibnu `Umar – malugod si Allāh sa kanya – ang maliliit na bato na nasa kamay niya sa lupa. Pagkatapos ay nagsabi siya: “Talaga ngang nagpabaya tayo sa maraming qīrāṭ.” Isinaysay ito ni Al-Bukhārīy na may numerong 1324 at Isinaysay ito ni Muslim na may numerong 945. Nagsabi si An-Nawawīy, kaawaan siya ni Allāh: “Nasaad dito ang taglay ng mga Kasamahan na pagkaibig sa mga pagtalima nang ipinarating sa kanila at ang panghihinayang sa nakalampas sa kanila mula sa mga iyon gayong hindi nila nalalaman ang laki ng kahalagahan niyon.” Tingnan ang Al-Minhāj 7/15.
Ang pagsunod sa Sunnah – minamahal na kapatid ko – ay may maraming bunga. Ang ilan dito: 1. Ang pagdating sa antas ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng pagpapakalapit kay Allāh – kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan – sa pamamagitan ng mga kusang-loob na pagdarasal natatamo ang pag-ibig ni Allāh – kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan – para sa tao. Nagsabi si Ibnu Al-Qayyim – kaawaan siya ni Allāh: “Hindi ka mamahalin ni Allāh malibang kapag sinunod mo ang Mahal Niya nang hayagan at palihim, pinaniwalaan mo siya sa pahayag niya, sinunod mo siya sa utos niya, tinugon mo siya sa paanyaya niya, pinili mo siya nang kusang-loob, at pinalitan mo ang kahatulan ng iba sa kanya ng kahatulan niya, ang pag-ibig sa iba sa kanya na nilikha ng pag-ibig sa kanya, at ang pagtalima sa iba sa kanya ng pagtalima sa kanya. Kung hindi iyon, huwag kang magpakahirap at bumalik ka saan mo man naisin. Maghanap ka ng liwanag sapagkat ikaw ay hindi nakabatay sa anuman.” Tingnan: Madārij As-Sṣlikīn 3/37. 2. Ang pagkamit ng pagkakasama ni Allāh, pagkataas-taas Niya, sa tao. Itutuon siya ni Allāh, pagkataas-taas Niya, sa kabutihan kaya walang mamumutawi sa mga kamay niya kundi ang ikinalulugod ng Panginoon niya – kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan – dahil siya, kapag nakamit ang pag-ibig, ay makakamit ang pagkakasama ni Allāh. 3. Ang pagtugon sa panalanging naglalaman pagkamit ng pag-ibig sapagkat ang sinumang nagpapakalapit kay Allāh sa pamamagitan ng mga kusang-loob na pagsama ay magkakamit ng pag-ibig. Ang sinumang nagkamit ng pag-ibig ay magkakamit ng pagtugon sa panalangin. Nagpapatunay sa tatlong bungang ito: Ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Tunay na si Allāh − pagkataas-taas Niya − ay nagsabi: Ang sinumang umaway sa isang tinangkilik Ko ay nagpahayag na Ako sa kanya ng digmaan. Hindi nagpapakalapit sa Akin ang Lingkod Ko sa pamamagitan ng anuman na higit na kaibig-ibig sa Akin kaysa sa [mga pagsambang] isinatungkulin Ko sa kanya. Hindi titigil ang Lingkod Ko na nagpapakalapit sa Akin sa pamamagitan ng mga kusang-loob na pagsamba hanggang sa ibigin Ko siya. Kaya kapag inibig Ko siya, magiging Ako ang pandinig niya na ipinandidinig niya, ang paningin niya na ipinaniningin niya, ang kamay niya na ipinanghahawak niya at ang paa niya na ipinanlalakad niya. Kung manghihingi siya sa Akin, talagang bibigyan Ko nga siya. Talagang kung magpapakupkop siya sa Akin, talagang kukupkupin Ko nga siya. Hindi Ako nag-aatubili sa isang bagay na Ako ay gumagawa nito gaya ng pag-aatubili Ko sa [pagbawi sa] kaluluwa ng mananampalataya samantalang nasusuklam siya sa kamatayan at Ako naman ay nasusuklam sa pag-inis sa kanya.” Isinaysay ito ni Al-Bukhārīy na may numerong 6502. 4. Ang pagpuno sa kakulangang nangyayari sa mga isinatungkuling dasal. Ang mga kusang-loob na dasal ay pupuno anumang nangyari sa mga isinatungkuling dasal na mga kasiraan. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Narinig ko ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsasabi: “Tunay na ang unang tutuusin sa tao sa Araw ng Pagkabuhay sa gawa niya ay ang pagdarasal niya. Kung bumuti, nagtamo nga siya at nagtagumpay. Kung nasira, nabigo nga siya at nalugi. Kung nagkulang mula sa isinatungkulin dito ng anuman, magsasabi ang Panginoon – kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan: Tingnan ninyo, ang lingkod Ko ba ay may kusang-loob na dasal? Bubuuhin sa pamamagitan nito ang kinulang sa isinatungkulin. Pagkatapos ang nalalabi sa gawa niya ay hahatulan ayon doon.” Isinaysay ito ni Aḥmad na may numerong 9494. Isinaysay ito ni Abū Dāwud na may numerong 864. Isinaysay ito ni At-Tirmidhīy na may numerong 413. Itinuring ito na tumpak ni Al-Albānīy, Ṣaḥīḥ Al-Jāmi` 1/405.