Itinuturing na sunnah para sa sinumang pumasok sa palikuran na sabihin ang nasaad sa Ṣaḥīḥayn: Ayon kay Anas – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – kapag pumasok siya noon sa palikuran ay nagsasabi: “Allāhumma innī a`ūdhu bika mina -lkhubthi wa -lkhabā’ith. (O Allāh, tunay na ako ay nagpapakupkop sa Iyo laban sa mga lalaking demonyo at mga babaing demonyo.)” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 6322. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 375. Ang mga lalaking demonyo ay khubth at ang mga babae nila ay khabā’th. Ang pagpapakupkop ay laban sa mga lalaki ng mga demonyo at mga babae nila. Ang khabā’th ay ang mga kaluluwang masama kaya ang pagpapakukop laban sa kasamaan at mga kampon nito ay higit na masaklaw. Itinuturing na sunnah para sa sinumang lumabas ng palikuran na sabihin: Ang nasaad sa Musnad Aḥmad, Sunan Abī Dāwud, at Sunan At-Tirmidhīy. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy ayon kay `Ā’ishah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – kapag lumabas siya noon mula sa palikuran, ay nagsasabi ng Ghufrānak. (Kapatawaran Mo [ang hiling ko].)” Isinaysay ito nina Imām Aḥmad na may numerong 25220, Imām Abū Dāwud na may numerong 30, at Imām At-Titmidhīy na may numerong 7. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy, Taḥqīq Mishkāh Al-Maṣābīḥ 1/116.
Ang huling habilin ay sunnah para sa bawat Muslim sa panahon ng pagkakasakit batay sa sabi ng Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Tungkulin ng isang lalaking Muslim na may bagay na ihahabilin kaugnay rito na hindi magpalipas ng dalawang gabi malibang ang habilin niya sa piling niya ay nakasulat.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 2783. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 1626, mula sa ḥadīth ayon kay Ibnu `Umar – malugod si Allāh sa kanilang dalawa. Ang pagbanggit sa dalawang gabi sa ḥadīth ay hindi paglilimita. Ang tinutukoy lamang dito ay hindi magpapalipas sa kanya ng maiksing panahon malibang ang habilin niya ay nakasulat sa piling niya dahil hindi niya nalalaman kung kailan siya mamamatay. Ito ay sunnah na sumasaklaw sa lahat ng mga tao. Tungkol naman sa habilin kaugnay sa mga karapatan ni Allāh – pagkataas-taas Niya – gaya ng zakāh, o ḥajj, o pambayad-sala, o mga karapatan ng mga tao gaya ng utang at ng pagsasauli ng mga ipinagkatiwala, ang mga ito ay isinasatungkulin hindi sunnah dahil nakasalalay sa mga ito ang pagganap sa mga karapatang isinatungkulin lalo na kapag hindi nalaman ng isa man ang mga karapatang ito. Ang anumang hindi naisasakatuparan ang isinatungkulin malibang sa pamamagitan nito, ito ay isinasatungkulin.
Iyon ay sa pamamagitan ng pagtataglay ng bawat isa sa tindero at mamimili ng katangian ng pagpaparaya at kabanayaran sa sandali ng pagtitinda. Hindi magpapakahigpit ang isa’t isa sa kanila sa pakikipagtawaran sa presyo at sa pagtatalo rito, bagkus maging mapagparaya sila sa isa’t isa. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Jābir bin `Abdillāh – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Maawa si Allāh sa isang lalaking mapagparaya kapag nagtinda, kapag bumili, at kapag naningil.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 2076. Gayon din kapag humiling siyang gampanan ang karapatan niya sapagkat tunay na bahagi ng sunnah humiling nang may kagaanan at kabanayaran batay sa sabi ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “at kapag naningil”.
Ito ay kabilang sa mga sunnah na pang-araw-araw na nagreresulta dahil dito ng malaking kalamangan: ang pagpasok sa Paraiso. Ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya: “Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi kay Bilāl sa sandali ng dasal sa madaling-araw: O Bilāl, magsalaysay ka sa akin ng pinakainaasahang gawaing ginawa mo sa Islām sapagkat tunay na ako ay nakarinig ng yabag ng mga sapatos mo sa harapan ko sa Paraiso. Nagsabi siya: Wala akong ginawang gawaing higit na inaasahan sa ganang akin kaysa sa ako ay hindi nagpakadalisay ng isang kadalisayan sa isang oras ng gabi o maghapon malibang nagdasal ako sa pamamagitan ng kadalisayang iyon ng itinakda sa akin na dasalin ko.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 1149. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2458. Ang yabag ng mga sapatos mo ay nangangahulugang: Paggalaw ng mga sapatos mo.
Ang paghihintay sa ṣalāh ay kabilang sa mga sunnah na nagreresulta dahil dito ng malaking kalamangan. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: Hindi tumitigil ang isa sa inyo sa pagdarasal hanggat ang pagdarasal ay pumipigil sa kanya; walang humahadlang sa kanya na bumalik sa mag-anak niya kundi ang pagdarasal.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 659. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 649. Kaya naman siya sa paghihintay niya ay tatanggap ng gantimpala ng ṣalāh. Ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan ay nagsabi: Ang mga anghel ay dumadalangin ng pagpapala sa [bawat] isa sa inyo hanggat nasa dasalan niya, hanggat hindi nasira ang wuḍū’. O Allāh, magpatawad Ka sa kanya. O Allāh, maawa Ka sa kanya. Hindi tumitigil ang isa sa inyo sa pagdarasal hanggat ang pagdarasal ay pumipigil sa kanya; walang humahadlang sa kanya na bumalik sa mag-anak niya kundi ang pagdarasal.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 659. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 649. Ang sabi niya: “hanggat hindi nasira ang wuḍū’” ay nangangahulugang: Walang nangyaring anumang nakasisira sa wuḍū’. Sa ganang kay Imām Muslim: “hanggat hindi siya nanligalig dito at hanggat hindi siya nasiraan ng wuḍū’” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 649. Nangangahulugan ito: Ang gantimpalang ito ay nakabatay sa kundisyong hindi siya magdudulot sa isa man ng kapinsalaan sa pag-upo niya at hindi nasisira ang wuḍū’ niya.
Ang paggamit ng siwāk ay kabilang sa mga sunnah na lubos na naisasagawa sa bawat oras. Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nag-uudyok noon dito nang madalas hanggang sa nagsabi siya: “Madalas akong nagsabi sa inyo tungkol sa siwāk.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 888, mula sa ḥadīth ayon kay Anas – malugod si Allāh sa kanya – at nagsabi ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – kaugnay rito: “Ang siwāk ay isang pandalisay para sa bibig, pampalugod para sa Panginoon.” Isinaysay ito ni Imām Aḥmad na may numerong 7. Isinaysay ito ni Imām An-Nasā’īy na may numerong 5 mula sa ḥadīth ayon kay `Ā’ishah – malugod si Allāh sa kanya. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy, Al-Irwā’ 1/105. Nabibigyang-diin ang pagiging sunnah ng siwāk sa maraming kalagayang naunang nabanggit ang ilan sa mga ito lalo na ang nauulit-ulit sa araw at gabi gaya ng pagdarasal sa gabi, ng sa sandali ng pagsasagawa ng wuḍū’, ng sa sandali ng bawat ṣalāh, at ng sa sandali ng pagpasok sa tahanan. Si Allāh ay higit na nakaaalam.
Itinuturing na sunnah para sa Muslim na panibaguhin ang wuḍū’ para sa bawat ṣalāh. Kaya kung sakaling siya ay nagsagawa ng wuḍū’ para sa ṣalāh sa maghrib, halimbawa, pagkatapos ay nagdasal siya sa maghrib, at kapag sumapit naman ang ṣalāh sa `ishā’, itinuturing na sunnah na magsagawa ng wuḍū’ kahit pa man siya ay nasa kadalisayan pa. Kaya ang sunnah ay magsagawa ng isang bagong wuḍū’ para sa bawat ṣalāh. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth sa ganang kay Imām Al-Bukhārīy na nagsabi: “Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsasagawa ng wuḍū’ sa sandali ng bawat ṣalāh.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy 214. Gayon din, bahagi ng sunnah na ang tao ay maging nasa kadalisayan sa buong araw niya batay sa ḥadīth ayon kay Thawbān – malugod si Allāh sa kanya: “Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: Walang nangangalaga sa wuḍū’ maliban sa isang mananamapalataya.” Isinaysay ito ni Imām Aḥmad na may numerong 22434. Isinaysay ito ni Imām Ibnu Mājah na may numerong 277. Isinaysay ito ni Imām Ad-Dārimīy na may numerong 655. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy, Ṣaḥīḥ Al-Jāmi` 1/225.