Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – ayon sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsabi: “Kapag bumahin ang isa sa inyo ay magsabi siya ng Alḥamdu-llāh (Ang papuri ay ukol kay Allāh) at magsabi sa kanya ang kapatid niya o kasamahan niya ng Yarḥamuka-llāh (Kaawaan ka ni Allāh). Kapag nagsabi ito sa kanya ng Yarḥamuka-llāh ay magsabi siya ng Yahdīkumu-llāh wa yuṣliḥū bālakum (Patnubayan kayo ni Allāh at pabutihin Niya ang kalagayan ninyo).” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 6224. Itinuturing na sunnah para sa kanya na sari-sariin ang sinasabi kaya naman magsasabi siya minsan ng Alḥamdu lillāhi `alā kulli ḥal sapagkat nasaad nga ito sa isang sanaysay ayon kay Abū Dāwud: “Kapag bumahin ang isa sa inyo ay magsabi siya ng Alḥamdu-llāh `alā kulli ḥāl (Ang papuri ay ukol kay Allāh sa bawat kalagayan).” Isinaysay ito ni Abū Dāwud na may numerong 5031. Nagsabi si Ibnu Al-Qayyim – kaawaan siya ni Allāh – sa Zād Al-Ma`ād 2/436 tungkol sa ḥadīth na ito: “Ang kawing ng pananalaysay nito ay tumpak.” Magsasabi ang tumutugon sa panalangin ng bumahin ng Yarḥamuka-llāh. Itinuturing na sunnah para sa bumabahin na tumugon dito at magsabi ng Yahdīkumu-llāh wa yuṣliḥū bālakum. Lahat ng ito ay pinatunayan ng naunang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya.
Kaya kapag hindi nagpuri kay Allāh – pagkataas-taas Niya – ang bumahin, hindi bahagi ng sunnah na dalanginan siya ng awa batay sa ḥadīth ayon kay Anas – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “May bumahing dalawang lalaki sa piling ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – at dumalangin ng awa ang isa sa dalawa at hindi dumalangin ng awa ang isa pa kaya nagsabi ang lalaki: O Sugo ni Allāh, dinalanginan mo po ito ngunit hindi mo po ako dinalanginan ng awa. Nagsabi siya: Tunay na ito ay nagpuri kay Allāh samantalang hindi ka nagpuri kay Allāh.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 6225. Ito ay kabilang sa gawain niya – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – at nasaad mula sa sabi niya – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ang isinaysay ni Imām Muslim ayon kay Abū Mūsā – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Kapag bumahin ang isa sa inyo at nagpuri, dalanginan ninyo siya ng awa sapagkat kung hindi siya nagpuri kay Allāh ay huwag ninyo siyang dalanginan ng awa.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2992. Subalit kapag ang kalagayan ay ang kalagayan ng pagtuturo gaya ng pagdudulot ng edukasyon ng ama sa anak niya o ng tagapagturo sa mga estudyante niya o tulad niyon na kabilang sa kalagayan ng pagtuturo, tunay na siya nagsasabi rito na magsabi ng Alḥamdu lillāh upang dulutan ito ng edukasyon alinsunod sa sunnah na ito sapagkat ito ay maaaring hindi nakaaalam sa pagiging sunnah nito. Ganito sa sinumang sinisipon sapagkat tunay na siya ay hindi pananalanginan ng awa matapos ang ikatlong bahin. Kaya kapag bumahin siya nang tatlong ulit, dadalanginan siya ng awa at pagkatapos nito ay hindi siya dadalanginan ng awa. Nagpapatunay rito: Ang isinaysay ni Abū Dāwud sa Sunan niya ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Dumalangin ka ng awa sa kapatid mo nang tatlong ulit ngunit ang anumang lumabis, ito ay sipon.” Isinaysay ito ni Imām Abū Dāwud na may numerong 5034. Nagsabi si Al-Albānīy – kaawaan siya ni Allāh: “maganda, na mawqūf (huminto sa Kasamahan ang sanaysay) at marfū` (umabot sa Propeta ang sanaysay),” Ṣaḥīḥ Abī Dāwud 4/308. Kinakatigan ito ng isinaysay ni Imām Muslim sa Ṣaḥīḥ niya mula sa ḥadīth ayon kay Salamah bin Al-Akwa` - malugod si Allah sa kanya: “Na siya ay nakarinig sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – habang may bumahing isang lalaki sa tabi nito kaya nagsabi siya roon ng Yarḥamuka-llāh. Pagkatapos ay bumahin iyon ng isa pa kaya nagsabi roon ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: Ang lalaki ay sinisipon.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2993. Mabubuod mula sa naunang pagtatalakay na ang bumabahin ay hindi dinadalanginan sa dalawang kalagayan: 1. Kapag hindi siya nagpuri kay Allāh – pagkataas-taas Niya. 2. Kapag lumabis siya sa tatlong pagbahin dahil siya sinisipon.