Ayon kay `Umar bin Abī Salamah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsasabi: “Ako noon ay isang bata sa kandili ng Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Ang kamay ko noon ay naglilikot sa bandehado kaya nagsabi sa akin ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: O bata, banggitin mo ang pangalan ni Allāh, kumain ka gamit ang kanang kamay mo, at kumain ka mula sa nalalapit sa iyo. Kaya hindi natigil iyon, ang paraan ng pagkain ko matapos niya.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5376. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2022. Kapag nakalimutan ang pagsambit ng ngalan ni Allāh, itinuturing na sunnah na sabihin kapag naalaala ito: Bismi-llāhi awwalahu wa ākihrahu (Sa ngalan ni Allāh sa simula nito at sa wakas nito). Batay sa ḥadīth ayon kay `Ā’ishah – malugod si Allāh sa kanya – ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Kapag kumain ang isa sa inyo ay banggitin niya ang pangalan ni Allāh; at kapag nakalimutan niyang banggitin ang pangalan ni Allāh sa simula nito, sabihin niya: Bismi-llāhi awwalahu wa ākihrahu. (Sa ngalan ni Allāh sa simula nito at sa wakas nito.)” Isinaysay ito ni Imām Abū Dāwud na may numerong 3767. Isinaysay ito ni Imām At-Tirmidhīy na may numerong 1858. Itinuring na tumpak ito ni Al-Albānīy gaya ng naunang nabanggit. Gayon din, nagpatunay ang ḥadīth na ang tao ay kakain gamit ang kanang kamay niya upang hindi niya makawangis ang demonyo. Ang Muslim, kapag hindi siya sumambit sa ngalan ni Allāh sa pagkain niya at kapag kumain siya o uminom siya gamit ang kaliwang kamay niya, ay naging kawangis ng demonyo dahil doon dahil ang demonyo ay kumakain at umiinom gamit ang kaliwang kamay nito. Nagpapatunay rito: Ayon kay `Abdullāḥ bin `Umar – malugod si Allāh sa kanya – ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Huwag ngang kakain ang isa mula sa inyo gamit ang kaliwang kamay niya at huwag ngang iinom gamit ito sapagkat tunay na ang demonyo ay kumakain gamit ang kaliwang kamay niya at umiinom gamit ito.” Nagsabi siya: “Si Nāfi` noon ay nagdaragdag dito: Hindi siya kumukuha gamit ito at hindi siya nagbibigay gamit ito.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2020. Ang demonyo ay masigasig sa pagpasok sa bahay upang magpalipas ng magdamag sa loob nito at makilahok sa mga naninirahan dito sa pagkain at pag-inom. Ayon kay Jābir bin `Abdillāh – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – siya ay nakarinig sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsasabi: “Kapag pumasok ang lalaki sa bahay niya at binanggit si Allāh sa sandali ng pagpasok niya at sa sandali ng pagkain niya, magsasabi ang demonyo: Walang tuluyan sa magdamag para sa inyo at walang hapunan. Kapag pumasok siya at hindi binanggit si Allāh sa sandali ng pagpasok niya, magsasabi ang demonyo: Nagkamit kayo ng tuluyan sa magdamag at hapunan.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2018.
Dahil sa naunang nabanggit na ḥadīth ayon kay `Umar bin Salamah – malugod si Allāh sa kanya. Nasaad dito ang sabi ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “kumain ka mula sa nalalapit sa iyo”.
Ang ḥadīth ayon kay Jābir – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Narinig ko ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsasabi: Tunay na ang demonyo ay dumadalo sa [bawat] isa sa inyo sa sandali ng bawat anuman sa kapakanan niya hanggang sa dumadalo ito sa sandali ng pagkain niya. Kaya kapag bumagsak mula sa isa sa inyo ang mumo, alisin niya ang anumang nakadikit dito na pinsala. Pagkatapos ay kainin niya ito at huwag niyang iwan ito sa demonyo. Kapag natapos siya, dilaan niya ang mga daliri niya sapagkat siya ay hindi nakaaalam kung sa aling bahagi ng pagkain niya ang biyaya.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2033. Ang nagninilay sa ḥadīth ay makatatalos na ang demonyo ay masigasig sa pagsali sa tao sa lahat ng mga kapakanan niya upang alisin nito ang biyaya mula sa bahay niya at manira sa kanya sa marami sa kapakanan niya. Kabilang sa nagpapatunay sa sigasig nito sa pagsabay sa tao sa lahat ng mga kapakanan niya ay ang sabi ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Tunay na ang demonyo ay dumadalo sa [bawat] isa sa inyo sa sandali ng bawat anuman sa kapakanan niya.”
Ang pagdila sa mga ito ay nangangahulugang pagsagi sa mga ito ng dulo ng dila niya. Ang sunnah ay dilaan ang mga ito o dilaan ang mga ito ng iba gaya ng maybahay niya halimbawa, bagkus ang sunnah ay hindi pupunasan ang kumakapit sa kamay niya ng isang pamunas at tulad nito nang sa gayon ay madilaan ang mga ito. Nagpapatunay rito: Ang naunang ḥadīth ayon kay Jābir – malugod si Allāh sa kanya. Nasaad sa Ṣaḥīḥān mula sa ḥadīth ayon kay Ibnu `Abbas – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Kapag kumain ang isa sa inyo, huwag niyang punasan ang kamay niya hanggang sa nadilaan niya ito o pinadilaan niya ito.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5456. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2033.
Ang tinutukoy ng pagsimot sa bandeha ay ang pag-ubos ng kumakain sa pagkain sa plato niya. Halimbawa: Ang kumakain ng kanin, tunay na ang sunnah ay hindi siya magtitira ng anuman sa plato niya. Sisimutin niya ang natira sa plato niya at kakainin ito sapagkat ang biyaya ay maaaring nasa natirang ito sa plato niya. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Anas – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Inutusan kami ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na simutin namin ang plato.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2034. Sa isang sanaysay ni Imām Muslim mula sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya: “simutin ng [bawat] isa sa inyo ang bandehado.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2035. Nagsabi ang Shaykh nating si Ibnu `Uthaymīn – kaawaan siya ni Allāh: “Nangangahulugang: pasusundan mo ng mga daliri mo ang anumang kumakapit dito na pagkain at didilaan ito. Ito rin ay bahagi ng sunnah na nakalulungkot na napabayaan ng marami sa mga tao kahit pati ang mga estudyante rin ng Islām. Kapag natapos sila sa pagkakain, matatagpuan mo na ang dakong nalalapit sa kanila ay may pagkain pa ring natitira. Hindi nila dinidilaan ang natirang nasa bandeha. Ito ay salungat sa ipinag-utos ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan.” Tingnan: Sharḥ Riyāḍ Aṣ-Ṣāliḥīn 1/892.
Ang sunnah ay kumain gamit ang tatlong daliri. Ito ay nauukol sa mabubuhat ng tatlong daliri gaya ng datiles, halimbawa, kaya itinuturing na sunnah na kainin ito gamit ang tatlong daliri. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Ka`b bin Mālik – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay kumakain noon gamit ang tatlong daliri at dinidilaan niya ang kamay niya bago punasan ito.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2032.
Bahagi ng sunnah na uminom sa iniinuman nang tatlong lagok at hihinga sa pagkatapos ng bawat lagok. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Anas – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay humihinga noon sa pag-inom nang tatlong ulit at nagsasabi: Tunay na ito ay higit na nakapapawi ng uhaw, higit na nakapagpapaginhawa, at higit na kaiga-igaya.” Nagsabi si Anas – malugod si Allāh sa kanya: “Kaya ako ay humihinga sa pag-inom nang tatlong ulit.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5631. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2028. Ang tinutukoy ng paghinga sa iniinuman ay ang paghinga sa sandali ng pag-inom sa iniinuman. Nangangahulugan ito: Siya ay hihinga sa labas ng iniinuman dahil ang paghingang ito ay kinasusuklaman batay sa ḥadīth ayon kay Abū Qatādah – malugod si Allāh sa kanya – sa Ṣaḥīḥān. Nagsabi siya: “Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: Kapag uminom ang isa sa inyo, huwag siyang huminga sa iniinuman.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5630. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 267.
Nagpapatunay sa Sunnah na Ito: Ang ḥadīth ayon kay Anas bin Mālik – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: Tunay na si Allāh ay talagang nalulugod sa taong kumakain ng pagkain at nagpupuri sa Kanya dahil doon o umiinom ng inumin at nagpupuri sa Kanya dahil doon.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2743. Ang Pagpupuri ay May Sari-saring Anyo, Kabilang sa mga Ito: A. “Alḥamdu lillāhi ḥamdan kathīran ṭayyibam mubārakan fīhi ghayra makfīyin wa lā muwadda`in wa lā mustaghnan `anhu rabbanā. (Ang papuri ay ukol kay Allāh papuring marami, mabuti, pinagpapala na hindi mabibigyan ng kasapatan, na hindi maiiwan, na hindi maiwawala rito ang pangangailangan sa Panginoon natin.)” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5458. B. “Alḥamdu lillāhi -lladhī kafānā wa arwānā ghayra makfīyin wa lā makfūr. (Ang papuri ay ukol kay Allāh na nagpasapat sa atin at pumawi ng uhaw natin nang hindi masasapatan at hindi maikakaila.)” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5459. Ang hindi masasapatan ay nangangahulugang: hindi nangangailangan ng isa man sapagkat si Allāh ang nagpapakain sa mga lingkod Niya at nagpapasapat sa kanila. Ang hindi maiiwan ay nangangahulugang: hindi matatalikdan. Ang nagpasapat ay mula sa kasapatan. Ang pumawi ng uhaw natin ay mula sa pagpawi ng uhaw. Ang hindi maikakaila ay nangangahulugang: maitatanggi ang kabutihang-loob Niya at pagpapala Niya.
Bahagi ng sunnah ang pagtitipon sa pagkain at ang hindi pagkakahiwa-hiwalay. Nagpapatunay rito: ang ḥadīth ayon kay Jābir bin `Abdillāh – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – na nagsasabi: Narinig ko ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsasabi: “Ang pagkain ng isa ay sasapat sa dalawa. Ang pagkain ng dalawa ay sasapat sa apat. Ang pagkain ng apat ay sasapat sa walo.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2059.
Bahagi ng sunnah ang papurihan ang pagkain kapag hinangaan ito. Walang duda na hindi magpupuri rito maliban sa tinaglay nito. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Jābir bin `Abdillāh – malugod si Allāh sa kanya – na ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay humiling sa mag-anak niya ng ulam at nagsabi sila: “Wala kaming taglay maliban sa suka.’ Ipinakuha niya ito at nagsimulang kumain gamit ito at nagsabi: “Kay inam ang suka na ulam. Kay inam ang suka na ulam.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2052. Ang suka ay kabilang sa mga uri ng ulam para sa kanila. Ito ay matamis hindi maasim gaya ng suka na nasa atin sa ngayon. Nagsabi ang Shaykh nating si Ibnu `Uthaymīn – kaawaan siya ni Allāh: “Ito rin ay kabilang sa patnubay ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na siya, kapag humanga sa pagkain, ay nagpupuri rito. Gayon din halimbawa kung sakaling pinuri mo ang tinapay, magsasabi ka: kay inam na tinapay ang tinapay ng angkan ni Polano o anumang nakawangis niyon. Ito rin ay sunnah ng Sugo – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan.” Tingnan: Sharḥ Riyāḍ Aṣ-Ṣāliḥīn 2/1057. Ang nagninilay sa panahon natin ay makatatagpo sa marami sa mga tao ng pagsalungat sa sunnah ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan sapagkat sila ay hindi nagkakasya sa pag-iwan sa sunnah, bagkus sinalungat din nila ito. Iyon ay sa pamamagitan ng pamimintas nila sa pagkain at pamumula nila rito sa ilang pagkakataon. Ito ay salungat sa patnubay ng Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Sa Ṣaḥīḥān mula sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – nagsabi ito: “Hindi namintas ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ng isang pagkain kailanman. Kung ginanahan siya rito, kakainin niya ito; at kung hindi naman, iiwan niya ito.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 3563. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2064.
Nagpapatunay rito: ang ḥadīth ayon kay `Abdullāh bin Busr – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Tumuloy ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – sa ama ko.” Nagsabi ito: “Kaya dinalhan namin siya ng isang pagkain at isang waṭbah. Kumain siya mula rito. Pagkatapos ay dinalhan siya ng datiles. Kinakain niya ito at itinatapon ang mga buto, na nasa pagitan ng dalawang daliri habang pinagdidikit ang hintuturo at ang hinlalato. Pagkatapos ay dinalhan siya ng inumin at ininuman niya ito. Pagkatapos ay iniabot sa nasa dakong kanan niya.” Nagsabi ito: “Kaya nagsabi ang ama ko habang hawak ang renda ng sasakyang hayop niya: Manalangin ka po para sa amin. Nagsabi siya: O Allāh, magbiyaya Ka sa kanila sa anumang itinustos Mo, magpatawad Ka sa kanila, at maawa Ka sa kanila.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2042. [Ang waṭbah ay pagkaing gawa sa datiles, keso, at mantikilya.]
Ang ipinakakahulugan ay na kapag uminom, bahagi ng sunnah na bigyan ang nasa kanan niya bago ang nasa kaliwa niya. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Anas bin Mālik – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: “Pumunta sa amin ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – sa bahay namin at humingi ng maiinom kaya ginatasan namin para sa kanya ang isang tupa. Pagkatapos ay hinaluan ko ito ng mula sa tubig ng balon kong ito.” Nagsabi ito: “Kaya ibinigay ko sa Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – at ininuman ng Sugo ni Allāh habang si Abū Bakr ay nasa gawing kaliwa niya, si `Umar ay nasa harapan niya, at may isang Arabeng disyertong nasa dakong kanan niya. Noong natapos ang Sugo – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – sa pag-inom niya, nagsabi si `Umar: Ito si Abū Bakr, o Sugo ni Allāh. Ipinakikita nito iyon sa kanya ngunit ibinigay ng Sugo ni Allāh sa Arabeng disyerto at nilampasan si Abū Bakr. Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: Ang mga kanan, ang mga kanan, ang mga kanan.” Nagsabi si Anas – malugod si Allāh sa kanya: “Kaya ito ay sunnah, kaya ito ay sunnah.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 2571. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2029.
Itinuturing na sunnah para sa sinumang nagpapainom sa isang pangkat na siya ay maging pinakahuli sa kanila sa pag-inom. Nagpapatunay rito: Ang mahabang ḥadīth ayon kay Abū Qatādah – malugod si Allāh sa kanya – at dito ay nagsabi siya: “…kaya nagsimula ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagbubuhos samantalang nagpapainom ako sa kanila hanggang sa walang natira bukod sa akin at bukod sa Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan.” Nagsabi ito: “Pagkatapos ay nagbuhos ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – at nagsabi sa akin: Uminom ka. Nagsabi ako: Hindi po ako iinom hanggang sa uminom ka, o Sugo ni Allāh. Nagsabi siya: Tunay na ang tagapagpainom ng mga tao ay ang pinakahuli sa kanila sa pag-inom.” Nagsabi ito: “Kaya uminom ako at uminom ang Sugo ni Allāh…” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 681. Aral: Bahagi ng sunnah para sa sinumang uminom ng gatas na magmumog ng tubig matapos uminom ng gatas upang alisin ang anumang nasa bibig niya na sebo na mula sa gatas. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Ibnu `Abbās – malugod si Allāh sa kanilang dalawa: “Ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay uminom ng gatas at nagpakuha siya ng tubig at nagmumog. Nagsabi siya: Tunay na mayroon itong sebo.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 211. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 358.
Itinuturing na sunnah ang pagtatakip ng lalagyang nakabuyangyang sa sandali ng pagdating ng gabi, ang pagsasara ng sisidlan ng tubig kung may panara ito, at ang pagbanggit sa pangalan ni Allāh sa sandaling iyon. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay Jābir bin `Abdillāh – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – na nagsabi: “Takpan ninyo ang mga lalagyan at bigkisan ninyo ang inumang balat sapagkat tunay na sa taon ay may isang gabi na binababaan ito ng isang salot, na hindi napararaan sa isang lalagyang walang pagtatakip o inumang balat walang pagbibigkis malibang may bumababa roon mula sa salot na iyon.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 2014. Sa ganang kay Imām Al-Bukhārīy mula sa ḥadīth ayon kay Jābir bin `Abdillāh din – malugod si Allāh sa kanilang dalawa: “…bigkisan ninyo ang mga sisidlang balat ng tubig ninyo, banggitin ninyo ang pangalan ni Allāh, takpan ninyo ang mga lalagyan ninyo, at banggitin ninyo ang pangalan ni Allāh, kahit pa man magharang kayo sa mga ito ng anuman…” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 5623.