Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah - malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Kung sakaling nalalaman nila kung ano nasa tahjīr, talagang nag-unahan na sana sila doon.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 615. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 437.
Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah - malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Ang dasal ng lalaki sa isang konggregasyon ay nakahihigit sa dasal niya sa bahay niya at sa dasal niya sa palengke niya ng dalawampu’t limang antas. Iyon ay dahil [kapag] ang isa sa inyo ay nagsagawa ng wuḍū at hinusayan niya ang pagsasagawa ng wuḍū’, pagkatapos ay pumunta sa masjid nang walang nagtutulak kundi ang pagdarasal, nang wala siyang ninanais kundi ang pagdarasal, kapag humahakbang siya ng isang hakbang, mag-aangat para sa kanya dahil dito ng isang antas at mag-aalis sa kanya dahil dito ng isang kasalanan hanggang sa makapasok siya sa masjid. Kapag pumasok siya sa masjid, siya ay nasa pagdarasal hanggat ang pagdarasal ay pumipigil sa kanya. Ang mga anghel ay dumadalangin ng pagpapala sa isa sa inyo hanggat nasa kinauupuan niyang dinasalan niya. Nagsasabi sila: O Allāh, kaawaan Mo siya; o Allāh, patawarin Mo siya; o Allāh, tanggapin Mo ang pagsisisi niya hanggat hindi siya nakapipinsala dahil dito, hanggat hindi nasisira ang wuḍū’ nito dito.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 649.
Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – ayon sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsabi: “Kapag narinig ninyo ang iqāmah, maglakad kayo tungo sa pagdarasal. Panatiliin ninyo ang katiwasayan at ang kahinahunan. Huwag kayong magmadali. Ang anumang maabutan ninyo ay dasalin ninyo at ang anumang nakaalpas sa inyo ay lubusin ninyo.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 636. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 602. Nagsabi si Imām An-Nawawīy – kaawaan siya ni Allāh: “…ang katiwasayan ay ang paghihinay-hinay sa mga kilos at ang pag-iwas sa kalikutan. Ang hinahon ay sa anyo gaya ng pagbaba ng tingin, pagpapahina ng tinig, at hindi paglingon.” Sharḥ Muslim ni Imām An-Nawawīy, Ḥadīth 602, Kabanata: Ang Pagtuturing na Kaibig-ibig ang Pagpunta sa Dasal nang may Kahinahunan at Katiwasayan at ang Pagbabawal sa Pagpunta Roon nang Patakbo.
Batay sa ḥadīth ni Anas – malugod si Allāh sa kanya – na siya ay nagsabi: “Bahagi ng Sunnah kapag pumasok ka sa masjid na magsimula ka sa kanang paa mo at kapag lumabas ka na magsimula ka sa kaliwang paa mo.” Isinaysay ito ni Imām Al-Ḥākim 1/388, at itinuring niya ito na tumpak ayon sa kundisyon ni Imām Muslim.
Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Ḥamīd o Abu Usayd na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Kapag pumasok ang isa sa inyo sa masjid, magsabi siya ng Allāhumma -ftaḥ lī abwāba raḥmatik (O Allāh, buksan Mo para sa akin ang mga pinto ng awa Mo); at kapag lumabas siya, magsabi siya ng Allāhumma innī as’aluka min faḍlik. (O Allāh, tunay na ako ay humihingi sa Iyo mula sa kagandahang-loob Mo.)” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 713.
Ito ay kapag dumating na maaga para sa dasal, tunay na itinuturing na sunnah para sa kanya na hindi muna uupo hanggang sa makapagdasal ng dalawang rak`ah. Ito ay batay sa ḥadīth ayon kay Abū Qatādah – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Kapag pumasok ang isa sa inyo sa masjid, hindi muna uupo hanggang sa makapagdasal ng dalawang rak`ah.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 1163. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 714. Nakasasapat na pamalit sa ṣalāh ng pagbati sa masjid ang ṣalāh na sunnah bago ang ṣalāh [na isinasatungkulin] kung ito ay may ṣalāh na sunnah bago ang ṣalāh gaya ng ṣalāh sa fajr at dhuhr, o sunnah sa ḍuḥā kung pumasok sa masjid sa ḍuḥā, o witr kung dadasalin ito sa masjid, o isinatungkuling ṣalāh dahil ang nilalayon sa ṣalāh ng pagbati sa masjid ay huwag umupo muna hanggang sa makapagdasal dahil sa ang ṣalāh na ito ay bahagi ng pagpupuno sa mga masjid upang hindi ito puntahan nang walang ṣalāh.
Itinuturing na sunnah para sa mga lalaki ang magmadali sa unang hanay sapagkat ito ang pinakamainam sa mga hanay at para sa mga babae ang pinakamainam sa mga ito ay and huli sa mga ito. Batay sa ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Ang pinakamabuti sa mga hanay ng mga lalaki ay ang una sa mga ito at ang pinakamasama sa mga ito ay ang huli sa mga ito. Ang pinakamabuti sa mga hanay ng mga babae ay ang huli sa mga ito at ang pinakamasama sa mga ito ay ang una sa mga ito.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 440. Ang pinakamabuti sa mga ito ay nangangahulugang: Ang pinakamarami sa mga ito sa gantimpala. Ang pinakamasama sa mga ito ay nangangahulugang: Ang pinakakaunti sa mga ito sa gantimpala. Ang ḥadīth na ito ay tungkol sa kapag nagdasal ang mga lalaki at ang mga babae sa isang konggregasyon at sa pagitan nila ay walang harang na gaya ng dingding at iba pa. Ang pinakamabuti sa mga hanay ng mga babae ay ang huli sa mga ito dahil ito ay higit na nakatatakip sa kanila sa mga mata ng mga lalaki. Kapag naman sa pagitan nila ay may harang gaya ng dingding at iba pa o gaya ng sa marami sa mga masjid natin sa ngayon na naglalaan para sa mga babae ng dasalang para lamang sa mga babae, sa kalagayang ito, ang pinakamainam sa mga hanay ng mga babae ay ang una sa mga ito dahil sa pagkapawi ng kadahilanan ng pagkakalapit sa mga lalaki dahil ang kahatulan ay umiikot sa kadahilanan nito: sa pagkakaroon at sa pagkawala, dahil sa ang pagkapanlahat ng kalamangan ng unang hanay sa nasaad sa mga ḥadīth, na kabilang sa mga ito: Ang ḥadīth ayon kay Abū Hurayrah – malugod si Allāh sa kanya – ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Kung sakaling nalalaman ng mga tao ang kalamangang nasa adhān at unang hanay at hindi nila makuha [ang kalamangan] malibang magpalabunutan sila para rito, talagang nagpalabunutan na sana sila. Kung sakaling nalalaman nila ang kalamangan na nasa [dasal sa] gabi at [dasal sa] madaling-araw, talagang pinuntahan na sana nila ang dalawang ito kahit pagapang.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 615. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 437.
Ang pinakamainam sa panig ng ma`mūm sa paghahanay niya para sa ṣalāh ang unang hanay gaya ng naunang nabanggit. Pagkatapos ay magsisigasig siya na maging malapit sa imām. Ang pinakamalapit sa dalang dako: ang kanan o ang kaliwa ay ang pinakamainam. Nagpapatunay rito: Ang ḥadīth ayon kay `Abdullāh bin Mas`ūd – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Tumabi sa akin mula sa inyo ang mga may isip at pang-unawa.” Isinaysay ito ni Abū Dāwud na may numerong 674. Isinaysay ito ni At-Tirmidhīy na may numerong 228. Ang sabi niya na “Tumabi sa akin” ay nangangahulugang: “Lumapit sa akin.” Sa ḥadīth na ito ay may patunay na ang kalapitan sa imam ay hinihiling sa alin mang dako.