Itinuturing na Sunnah para sa sinumang nakarinig ng adhān na sabihin ang tulad sa sinasabi ng mu’adhdhin maliban sa dalawang ḥayy `ala… sa halip ay sabihin ang lā ḥawla wa lā qūwata illa bi-llāh. Batay sa ḥadīth ayon kay `Abdullāh bin `Amr bin Al-`Āṣṣ – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – siya ay nakarinig sa Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – na nagsasabi: “Kapag narinig ninyo ang adhān, magsabi kayo ng tulad ng sinasabi…” Isinaysay ito ni Muslim na may numerong 384. Batay sa ḥadīth ayon kay `Umar bin Al-Khaṭṭāb – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Kapag nagsabi ang mu`adhdhin ng Allāhu akbar Allāhu akbar, magsasabi ang [bawat] isa sa inyo ng Allāhu akbar Allāhu akbar. Pagkatapos [kapag] nagsabi siya ng Ashhadu an lā ilāha illa -llāh, magsasabi ng Ashhadu an lā ilāha illa -llāh. Pagkatapos [kapag] nagsabi siya ng Ashhadu anna Muḥammadar rasūlu -llāh, magsasabi ng Ashhadu anna Muḥammadar rasūlu -llāh. Pagkatapos [kapag] nagsabi siya ng Ḥayya `ala -ṣṣalāh, magsasabi ng Lā ḥawla wa lā qūwata illa bi-llāh. Pagkatapos [kapag] nagsabi siya ng Ḥayya `ala -lfalāḥ, magsasabi ng Lā ḥawla wa lā qūwata illa bi-llāh. Kapag nagsabi siya ng Allāhu akbar Allāhu akbar, magsasabi ng Allāhu akbar Allāhu akbar. Kapag nagsabi siya ng Lā ilāha illa -llāh, magsasabi ng Lā ilāha illa -llāh. [Sinumang magsabi nito] nang taos sa puso, papasok siya sa Paraiso.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 385. Sa panawagan sa ṣalāh na fajr, ang sinumang sumusunod sa adhān ay magsasabi ng tulad sa sinasabi ng mu’adhdhin: aṣṣalātu khayrum mina -nnawm (ang pagdarasal ay higit na mabuti kaysa sa pagtulog).
Itinuturing na Sunnah na sabihin matapos sabihin ng mu’adhdhin ang ikalawang Ashhadu anna Muḥammadar rasūlu -llāh ang nasaad sa ḥadīth ayon kay Sa`d – malugod si Allāh sa kanya buhat sa Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Nagsabi siya: “Ang sinumang nagsabi nang naririnig niya ang mu`adhdhin ng Ashhadu an lā ilāha illa -llāhu waḥdahu lā sharīka lah, wa anna Muḥammadan `abduhu wa rasūluh, raḍītu bi-llāhi rabban wa bi-Muḥammadir rasūlan wa bi-l’islāmi dīnā. (Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allāh – tanging Siya: walang katambal para sa Kanya, at na si Muḥammad ay Lingkod Niya at Sugo Niya. Nalugod ako kay Allāh bilang Panginoon, kay Muḥammad bilang Sugo, sa Islām bilang relihiyon.)” Patatawarin siya sa pagkakasala niya. Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 386.
Batay sa ḥadīth ayon kay `Abdullāh bin `Amr – malugod si Allāh sa kanilang dalawa – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Kapag narinig ninyo ang mu’adhdhin, sabihin ninyo ang tulad sa sinasabi niya. Pagkatapos ay manalangin kaya ng pagpapala para sa akin sapagkat tunay na ang sinumang nanalangin para sa akin isang pagpapala, pagpapalain siya ni Allāh dahil doon ng sampung ulit. Pagkatapos hilingin ninyo kay Allāh para sa akin ang wasīlah sapagkat ito ay isang antas sa Paraiso na hindi nararapat maliban sa isang lingkod kabilang sa mga lingkod ni Allāh. Minimithi ko na maging ako siya. Ang sinumang humiling para sa akin ng wasīlah, mapupunta sa kanya ang Pamamagitan.” Isinaysay ito ni Imām Muslim na may numerong 384. Ang pinakamainam na panalangin ng pagpapala ay ang panalangin ng pagpapala kay Ibrāhīm: “Allāhumma ṣalli `alā Muḥammdin wa `alā āli Muḥammad, kamā ṣalayta `alā Ibrāhīm…”
Batay sa ḥadīth ayon kay Jābir – malugod si Allāh sa kanya – na nagsabi: Nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: “Ang sinumang nagsabi, nang naririnig niya ang panawagan: Allāhumma rabba hādhihi -dda`wati -ttāmmāti wa -ṣṣalāti -lqā’imah, āti muḥammadani -lwasīlata wa -lfaḍīlah, wab`athhu maqāmam maḥmūdani -lladhī wa`attahu (O Allāh, Panginoon nitong ganap na panawagan at ng ṣalāh na isasagawa, ibigay Mo kay Muḥammad ang kaparaanan at ang kalamangan at ibangon Mo siya sa katayuang pupurihin, na ipinangako Mo), mapupunta sa kanya ang pamamagitan ko sa Araw ng Pagkabuhay.” Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy na may numerong 614.
Batay sa ḥadīth ayon kay `Abdullāh bin `Amr – malugod si Allāh sa kanilang dalawa: “May lalaking nagsabi: ‘O Sugo ni Allāh, tunay na ang mu’adhdhin ay nakalalamang sa amin,’ kaya nagsabi ang Sugo ni Allāh – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: Magsabi ka ng gaya ng sinasabi nila at kapag natapos ka, humiling ka, ibibigay sa iyo iyon.” Isinaysay ito ni Imām Abū Dāwud na may numerong 524. Itinuring na maganda ito nina Ibnu Ḥijr (Natā’j al-Afkār, 1/367) at Albānīy (Ṣaḥīḥ al-Kalim aṭ-Ṭayyib, p. 73). Batay sa ḥadīth ayon kay Anas – malugod si Allāh sa kanya – ang Propeta – pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan – ay nagsabi: “Ang panalangin sa pagitan ng adhān at iqāmah ay hindi tinatanggihan.” Isinaysay ito Imām An-Nasā’īy na may numerong 9895. Itinuring na tumpak ito ni Ibnu Khuzaymah 1/221/425.